TRENDING: BREAKING NEWS! PILOTO NG CEBU-PAC NAMATAY HABANG NASA HIMPAPAWID; CAAP INIIMBESTIGAHAN ANG INSIDENTE



MAYNILA, Pilipinas –  Iniimbestigahan ngayon ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang isang insidente kung saan binawian umano ng buhay ang isang piloto ng Cebu Pacific flight habang ang eroplanong pinapalipad nito ay nasa himpapawid.

Kinilala sa ulat ng ABS-CBN News ang biktima na si First Officer Margarito Auza Austria, 45-anyos at co-pilot ng  Cebu Pacific flight 5J548 mula Singapore at lumapag sa  Cebu Mactan International Airport Sabado ng umaga.

Hindi pa malinaw kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ni Austria, subalit natagpuan na lamang umano ito ng kapitan ng eroplano na wala nang buhay sa kaniyang upuan.

“On their way to touch down, nag-complain itong co-pilot na nahihilo siya. Of course, the pilot took over, ibinaba niya ang eroplano,” ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio.

“Napansin niya (pilot) na hindi sumasagot ‘yung co-pilot, tinapik niya pero unconscious na,” kuwento pa ng opisyal.

Kaagad namang tumawag sa ground control tower ang pilot-in-command upang ipaalam ang pangyayari. Isinugod pa si Austria sa Mactan Doctors Hospital kung saan siya idineklarang ‘dead on arrival’.

Nagpadala naman kaagad ng mga imbestigador ang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) na pinangungunahan nina Harry Paradero at Rodrick Briones upang mangalap ng impormasyon para sa ginagawang imbestigasyon.

Base sa record ng CAAP, wala naman umanong karamdaman si Austria  na idineklara sa kaniyang taunang ‘medical certificate’ na hinihingi sa bawat piloto bago ito makapag-renew ng kanilang lisensiya at payagang makapagpalipad ng eroplano.

Subalit ayon sa Inquirer, posible umanong inatake sa puso ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito. Ang naturang impormasyon umano ay nagmula sa isang kamag-anak ng piloto na kanilang nakausap.

Samantala, matiwasay namang nakalapag ang naturang flight dakong alas-9 ng umaga sa kabila ng insidente.

Nangako ang Cebu-Pacific Airlines na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon at tutulungan ang pamilyang naulila ng biktima.
[Source]

What can you say about this trending news? If you find it more interesting please SHARE to your friends

No comments

Powered by Blogger.